Mga kabataang nagpaplanong maglayag sa Kalayaan Island upang iprotesta ang pag-angkin ng China sa teritoryo ng Pilipinas, pinipigilan umano ng mga otoridad

by Radyo La Verdad | November 27, 2015 (Friday) | 3151

KALAYAAN-ATIN-ITO-MOVEMENT
Nagpaplano ng isang freedom voyage sa Kalayaan Island ang mga kabataang volunteers ng Kalayaan Atin Ito Movement.

Magkikita-kita sa Puerto Princesa City, Palawan ang mga kabataan, maglalayag patungo sa Kalayaan Island Group at mananatili doon mula November 30 hanggang December 30.

Sakay ang mga volunteer sa 81 sasakyang pandagat upang katawanin ang 81 probinsya ng Pilipinas.

Ang naturang hakbang ay upang ipakita ang pagtutol ng mga Pilipinong kabataan sa pag-angkin ng China sa mga teritoryo sa West Philippine Sea at suportahan ang pamahalaan sa pagtatanggol ng sovereignty ng Pilipinas.

Gayunpaman, binanggit ng Western Command ng Armed Forces of the Philippines na hindi ito sang-ayon dahil sa panganib na maaaring suungin ng mga maglalayag partikular na ang matataas na alon sa dagat.

Ang Western Command ang support command ng hukbong sandatahang lakas ng Pilipinas na may responsibilidad na bantayan ang seguridad ng Palawan at West Philippine sea kabilang na ang Scarborough Shoal sa Zambales.

Binanggit din ni Western Command Chief Vice Admiral Alexander Lopez na hindi naayon sa national policy ang hakbangin ng mga kabataan lalo na at kasalukuyan pang dinidinig ang petisyon ng Pilipinas sa Arbitral Tribunal.

Nanindigan naman ang Kalayaan Atin Ito Movement na hindi ito papipigil na ipakita ang kanilang pagsuporta sa pagtatanggol sa soberanya ng Pilipinas.

Handa naman silang sumunod sa abiso ng Pagasa kung sakaling may mamataang masamang lagay ng panahon bago ang kanilang itinakdang paglalayag. (Rosalie Coz/UNTV News)

Tags: , ,