Mga kabataang makikilahok sa freedom voyage, handa pa ring sumuporta sa pamahalaan sa usapin ng maritime dispute

by Radyo La Verdad | December 3, 2015 (Thursday) | 3276

KALAYAAN-ITO-MOVEMENT
Nagmula ang mga kabataan sa iba’t ibang probinsya sa Luzon, Visayas at Mindanao na magsasagawa sana ng freedom voyage bilang pagsuporta sa pamahalaan sa ipinagkikipaglabang karapatan sa West Philippine Sea.

Sa isang subdivision sa Taytay, Rizal sila pansamantalang nagkakampo habang hinihintay ang iba pang volunteers na magmumula sa ibang bahagi ng bansa.

Karamihan sa kanila, ay lumiban sa kanilang klase at nagsakripisyong malayo sa kanilang pamilya upang lumahok sa freedom voyage sa Kalayaan Island group na nakatakda sanang mag-umpisa mula ika-30 ng Nobyembre hanggang ika-30 ng Disyembre.

Pansamantala ring pinatutuloy ang iba sa kanila sa bahay ng ilang nakatira sa naturang barangay.

Ilang panahong nagplano at nagsagawa ang Kalayaan Atin Ito Movement ng freedom caravan upang magbigay ng impormasyon at mahikayat ang mga kabataang makibahagi sa pagsuporta sa pamahalaang ipagtanggol ang teritoryo ng pilipinas sa pamamagitan ng isang freedom voyage sa West Philippine Sea.

Una nang nagpahayag ng pagtutol ang AFP sa nakatakda nilang paglalayag dahil sa panganib na maaaring masalunga nila sa paglalakbay sa karagatan at ang epektong maaari nitong maidulot sa usapin ng Pilipinas sa arbitral court.

Kamakailan, tumanggi na rin ang AFP na magbigay ng task force na aalalay sa grupo.

Giit naman ng Kalayaan Atin Ito Movement, hindi sila magpipilit maglayag kung masama ang panahon subalit itutuloy pa rin nila ang pagtungo sa Palawan sa layuning ipakita ang pagkakaisa at pagbabantay ng mga sibilyang pilipino sa usapin ng maritime dispute ng Pilipinas sa China.

Giit naman ng Malakanyang, sapat na ang ginagawa ng pamahalaan sa isyu ng West Philippine Sea.

Kahit hindi naisakatuparan ang target na bilang ng makikilahok at petsa ng paglalayag ng Kalayaan Atin Ito Movement sa West Philippine Sea, ipinahayag ng grupo na may magandang resulta pa rin ang kanilang freedom caravan.

Dahil may mga kabataang pilipinong tumugon sa kanilang panawagang pagkakaisa sa kabila ng murang edad at magkakaibang probinsyang pinag-mulan. (Rosalie Coz/UNTV News)

Tags: , ,