Mga junket operators na umano’y tumanggap ng bahagi ng $81M laundered money, haharap sa pagdinig ng Senado

by Radyo La Verdad | March 29, 2016 (Tuesday) | 963

SENATE-HEARING
Sa pangatlong pagdinig ng Senado sa pinaniniwalang pinakamalaking money laundering activity sa bansa, inaasahang magsasalita ang junket operator na itinuro ni Maia Deguito na nagrefer umano sa kaniya ng limang bank account holders sa RCBC Jupiter Makati branch kung saan inilipat ng umano’y hackers ang 81-million US dollars mula sa Bangladesh Central bank account sa US Federal Reserve bank.

Si Kim Wong ang may ari ng Eastern Hawaii Leisure Company sa Sta. Ana, Cagayan kung saan umano inilipat ang 21 million US dollars na bahagi ng 81-million US dollars na laundered money.

Hindi nakadalo sa unang dalawang Senate Blue Ribbon Commitee hearing si Kim Wong dahil sa umano’y pagpapagamot nito sa Singapore simula March 4.

Samantala, bukod kay Kim Wong, inaasahan din ang pagharap ng ibang junket players na umano’y tumanggap ng pondo galing sa ninakaw na salapi ng Bangladesh bank account.

Sumulat naman si Deguito sa Senate Blue Ribbon Committee kahapon sa pamamagitan ng isa sa mga counsel at consultant nito na hindi muna makakadalo sa pagdinig ng Senado hanggang April 4 dahil sa health problems at stress.

Ala-onse ng umaga nakatakdang mag-umpisa ang pangatlong pagdinig ng Senado kaugnay ng 81-Million US dollars money laundering activity.

(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)

Tags: ,