Mga isyu ni VP Binay sa kaniyang TSONA laban sa Administrasyon, walang katotohanan- Malacanang

by Radyo La Verdad | August 4, 2015 (Tuesday) | 1863

COLOMA
Kinontra ng Malakanyang ang mga isyung binanggit ni Vice President Jejomar Binay laban sa administrasyong Aquino kahapon sa kaniyang sariling bersyon ng State of the Nation Address.

Ayon kay Presidential Communication Operations Office Sec. Herminio Coloma Jr, taliwas ang mga ito sa pananaw ng mamamayan na siyang nakinabang sa mga proyekto ng pamahalaan.

Iginiit na ng Malakanyang na may mga positibong resulta na ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4P’s ng pamaalaan na direktang tumutulong sa mga mahihirap.

Batay din sa mga datos, bumaba ang unemployment rate sa bansa.

Maging ang muling pag-ungkat sa isyu ng pagbibigay parangal ni Pangulong Aquino sa SAF 44 ay idinepensa rin ng Malakanyang.

Ginamit rin ng Malakanyang ang datos mula sa bagong resulta ng survey ng Social Weather Stations kung saan marami pa rin sa mga pilipino ang positibo na gaganda ang kanilang buhay sa susunod na taon.

Marami rin sa mga pilipino ang naniniwalang gaganda pa ang takbo ng ekonomiya ng bansa batay rin sa SWS survey.

Ayon pa kay Secretary Coloma ngayon lamang nila narinig ang mga matitinding batikos ni VP Binay kumpara noong siya ay miyembro pa lamang ng gabinete.

Tags: ,