Kasalukuyan pang naglilibot sa isla ng Boracay si Environent Sec. Roy Cimatu upang personal na inspeksyunin ang mga establisyemento kung ito ba ay nakasusunod sa mga environmental laws.
Pormal na idineploy kaninang umaga ni DENR Sec. Roy Cimatu ang mga miyembro ng National Task Force Boracay sa Nabas, Aklan. Ito ay ang pinagsanib na pwersa ng mahigit isang daang tauhan ng DENR, Enviromental Management Bureau at anim na teams mula sa Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines.
Layon nito ang isalba ang Boracay sa loob ng anim na buwan. Kasama sa tututukan ng grupo ay ang pagpapatupad ng Clean Water Act kung saan dapat konektado sa Boracay Island Water Company o BIWC ang mga sewerage system ng mga establisyemento upang dumaan sa water treatment ang tubig bago ilabas sa dagat.
Sisiguraduhin din nila na walang nakatayong istraktura sa loob ng 30 meters easement area ng shoreline. Wala rin dapat gusali ang nakatayo sa mga protected area maliban na lang kung may forest land use agreement for tourism.
Sisiguraduhin din nilang malinis ang kapaligiran at may proper waste disposal plan ang bawat establisyemento. Bibigyan naman ng pagkakataon na magpaliwanag at mag-comply ang mga makikitaan ng violations. Gayunman, kung mabibigo ang mga ito ay agad na ipasasara ni Sec. Cimatu ang mga ito.
Patuloy namang pinag-uusapan kung kailangan pang isailalim pa sa state of calamity or state of emergency ang Boracay. Pansamantala namang ipinahold ni Sec. Cimatu ang konstruksyon ng mga gusali sa pamamagitan ng pag-isyu ng showcause order upang tingnan kung may building permit ito at Environmental Compliance Certificate o ECC.
Pinag-aralan na rin ni Cimatu ang paghahanap ng relocation site sa mga mawawalan ng tirahan. Magsasagwa rin ng senate inquiry sa susunod na linggo ang DENR kasama ang mga resort owner. Kamakailan ay iniulat ni Sec. Cimatu na nasa 2,600 ang bilang ng lahat ng establisyemento sa Boracay at 834 mula rito ang natukoy na nagtatapon ng kanilang mga water waste sa dagat.
Nasa 118 naman ang mayroong permit to discharge water waste, 36 ang parehong bigo nang makapag-renew ng kanilang discharge permits at pinatawan ng notice of violation.
( Lalaine Moreno / UNTV Correspondent )
Tags: Boracay, DENR-Sec. Cimatu, environmental law