Sa pagpapatuloy ng Senate Inquiry sa 81 million dollar money-laundering scandal, natuon ang hearing sa kusang pagsasauli ni junket operator Kim Wong ng karagdagang 38 million pesos.
Nagbigay rin ito ng promisory note sa Senado na magbabalik pa ng karagdagang 450 million pesos sa loob ng labin lima hanggang tatlumpung araw.
Ayon kay Senator Bam Aquino, dapat tularan ng mga institusyon ang ginawa ni Wong na kusang nagsauli ng nakaw na pera.
Nagpahayag naman ang executive director ng Anti Money Laundering Council na si Julia Bacay-Abad na hinihahanda na nila ang isasampang civil forfeiture case sa Manila Regional Trial Court.
Kapag kinatigan ng korte ang ihahaing pleading, mapipilitan ang ilang institusyon kabilang na ang Philippine Gaming Corporation o PAGCOR, Solaire at Midas Hotel and casino na isauli ang bahagi ng nakaw na pera na maaaring pumasok sa kanila.
Ayon sa presidente ng PAGCOR na si Eugene Manalastas, handa silang magbalik ng pera kung kinakailangan.
Hindi naman makapangako ang mga kinatawan ng Solaire at Midas Hotel and casino kung posible ba ito at nagsabing hihintayin ang desisyon ng korte.
Paliwanag ng kinatawan ng Midas Hotel and casino, wala naman silang direktang nakuha mula sa mga player na gumamit ng nakaw na pera.
Hinimok rin ni Sen. Aquino ang mga abogado ng dalawang junket operators ng Solaire na si Cau Cheok Wa, at Chang Lai Fong na kusang isauli na rin ang kinitang pera mula sa money laundering scandal.
Ikinatuwa naman ng ambassador ng Bangladesh ang nagaganap na development sa imbestigasyon ng Senado sa money laundering scam.
(Joyce Balancio/UNTV NEWS)