Mga importer, dumagsa sa opisina ng Dept. of Agriculture kaugnay ng isinasagawang revalidation ng mga permit

by Radyo La Verdad | December 1, 2016 (Thursday) | 1014

rey_pila
Dumagsa ang mga importer sa tanggapan ng Department of Agriculture sa Quezon City mula nang magpatupad ang ahensya ng agarang review at revalidation ng mga Sanitary and Phyto-Sanitary o SPS documents at import permits.

Noong nakaraang linggo, mahigit sa 2,300 ang kanilang na-revalidate na permit at natuklasan nila ang ilang pribadong kumpanya na gumagamit ng recycled permits;

Ang ilan sa mga ito ay umaabot pa sa 180 ang hawak na permit ngunit hindi naman lahat ay ginagamit.

Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, ang revalidation ay paraan din upang masugpo ang talamak na smuggling sa mga produktong agrikultura gaya ng sibuyas.

May ginagawa pa aniyang hoarding ang mga sindikato ngayon kung saan iniimbak ang mga imported na sibuyas at inilalabas lamang kasabay ng anihan ng mga lokal na magsasaka ng sibuyas.

Plano rin ng ahensya na baguhin ang proseso ng pag-a-apply ng permit online upang matiyak na lehitimo ang importer at papasukin nitong transaksyon.

Nangako naman ng kalihim na sisisantehin niya ang sinomang mapatutunayang sangkot sa korapsyon sa ahensya.

(Rey Pelayo / UNTV Correspondent)

Tags: , ,