Mga illegal poster at campaign materials, sinimulan nang baklasin ng MMDA

by Radyo La Verdad | February 9, 2016 (Tuesday) | 1624

MON_MMDA
Binaklas na ng Metropolitan Manila Development Authority ang lahat ng mga poster at campaign material na wala sa mga poster area na itinalaga ng Commission on Elections.

Inotorisa ng COMELEC ang MMDA at Department of Public Works and Highways na tanggalin ang mga poster, streamer at tarpaulin ng mga kandidato na nasa puno, poste ng kuryente, traffic lights, mga kable ng kuryente, pader at waiting sheds.

Naglabas ang COMELEC ng listahan ng mga lugar kung saan dapat maglagay ng mga campaign poster.

Hindi naman kasama sa binabaklas ang mga poster na nasa mga pribadong lugar.

Ngayong araw ang opisyal na campaign period sa lahat ng mga kakandidatong presidente, bise presidente, senador at party list at sa March 26 pa ang mga congressmen at ibang lokal na posisyon.

Ngayon pa lamang ay marami ng mga tarpaulin at poster ng mga kandidato sa lokal na posisyon ang nabaklas ng MMDA.

Noong nakaraang halalan ay dalawamput dalawang dump truck na puno ng mga campaign material ang naalis ng MMDA.

Lahat ng mga poster at tarpaulin na maiipon ay ibibigay sa mga institusyon upang mapagkakitahan.

Araw-araw ay iikot ang Oplan Baklas team ng MMDA sa ibat ibang lugar sa metro manila hanggang sa matapos ang campaign period sa May 7.

(Mon Jocson / UNTV Correspondent)

Tags: ,