Mga iligal na istruktura sa Boracay, maaaring gibain para gawing sakahan ang kinatitirikang lupa – DAR

by Radyo La Verdad | April 30, 2018 (Monday) | 2253

Hinihintay na lamang ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang susunod na direktiba ng pangulo kaugnay sa pamamahagi ng mga lupa sa Boracay.

Sa datos ng DAR, mahigit sa 6 na raang ektarya ang deklaradong agricultural land base sa Proclamation Number 1064 na inilabas noong 2006.

Pero base sa pagbisita ni DAR Secretary John Castriciones sa isla noong nakaraang linggo, napag-alaman na nasa 200 ektarya na ang nakahuha ng exemption para sa kombersyon ng lupa.

Ang natitirang mahigit sa 400 ektarya ay nangangahulugang iligal na inuukupa at maaari umanong gibain ang mga nakatayong istruktura sa oras na ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte. Maaari din umano itong gawing sakahan.

Naunang nang sinabi ng pangulo na ipamimigay nito ang mga lupa sa Boracay sa mga magsasaka. Nasa 15.5 na ektarya ng lupa ang natukoy din na maaaring agad na ipamahagi.

Ayon sa DAR, may natukoy din silang 85 benepisyaryo kung matutuloy ang distribusyon ng lupa.

Pangunahing bibigyan ang mga katutubo sa lugar at mga magsasakang napaalis na sa isla dahil sa pagtatayo ng mga gusali.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

Tags: , ,