Mga hinuhuling isda, pinangangambahang maubos sa taong 2050 dahil sa epekto ng Climate Change at di wastong pamamalakaya

by Radyo La Verdad | September 2, 2015 (Wednesday) | 6709

FBIR
Nanganganib nang maubos ang mga isdang hinuhuli sa tropical countries tulad ng Pilipinas dahil sa lumalalang epekto ng climate change.

Batay sa pag-aaral ng Fish-Based Information and Research Group Incorporated, posibleng maubos ang mga isda pagsapit ng taong 2050 dahil sa pabago-bagong klima sa karagatan, dagdag pa ang hindi wastong paraan ng pamamalakaya.

Sa kanilang pananaliksik, maaaring sanhi rin ng unti-unting pagkaubos ng mga isda ang iligal na paraan ng pangingisda gaya ng paggamit ng mga pampasabog at mga lambat na maliliit ang butas kaya pati mga isdang maliliit pa ang sukat at hindi pa nangingitlog ay nahuhuli rin.

Bunsod nito, namamahagi na ang grupo ng panukat isda o ruler sa mga fish port para malaman ang tamang haba ng mga isdang nalalambat bago ito tuluyang hulihin.

Halimbawa, para sa galunggong, dapat ay may sukat itong 12 to 13 centimeters, ang tulingan ay 32 to 38 centimeters, talakitok 29 centimeters, dalagang bukid 21 centimeters at samaral na dapat ay may habang 24 centimeters.

Nagpasalamat naman ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa tulong na naibibigay ng grupo.( Sherwin Culubong / UNTV News)

Tags: ,