Mga hindi personal na makakapaghain ng kanilang COC, tatanggapin pa rin ng Comelec

by Radyo La Verdad | October 17, 2018 (Wednesday) | 8751

Binibigyang konsiderasyon ng Commission on Elections (Comelec) ang mga nagnanais kumandidato sa darating ng halalan pero hindi personal na makakapunta sa tanggapan ng Comelec para makapaghain ng kanilang Certificate of Candidacy (COC).

Ayon sa poll body, kailangan lang nilang sundin ang proseso ukol dito.

Nakasaad sa Comelec Resolution No. 10420, kailangan lamang ng nais kumandidato na kumpletuhin ang requirements nito gaya ng authority to file COC na may kasamanag notaryo. Hindi naman limitado lang sa ka-apelyido o kamag-anak ang maging kinatawan ng nais kumandidato upang maituring na authorized representative.

Kahapon, dalawang ordinaryong mamamayan ang naghain ng kanilang COC sa pamamagitan ng kanilang authorized representative.

Maging si former Senate President Juan Ponce Enrile ay naghain ng kaniyang COC sa pamamagitan ng kaniyang abogado. Nais nitong makabalik sa Senado sa edad na 94 na taong gulang.

Nakatanggap na rin ng impormasyon ang media na posibleng maghain ng COC si Bacoor City Mayor Lani Mercado upang maghain ng COC ng kaniyang asawa na si former Senator Bong Revilla dahil naka-detain aniya si Revilla simula Hunyo 2014. Si Mercado ang kaniyang magiging authorized representative.

Ayon sa Comelec, depende na aniya sa kampo ni Revilla kung ano ang isasagot sa item 22 ng COC kung saan kailangan sagutan ng isang tatakbong kandidato kung siya ba ay dati nang nahatulan sa kaso na maging dahilan ng kaniyang “perpetual disqualifiation” upang mailuklok sa isang public office.

Paliwanag ng Comelec, idinagdag ang bagong item na ito sa COC upang maibigay ang tamang impormasyon ng isang aspiring candidate at maiwasan na maisisi sa poll body na pinayagan itong tumakbo sa isang halalan sa kabila ng kalagayan nito.

Samantala, nagpapaalala naman ang poll body sa mga nais pang humabol na maghain ng kanilang kandidatura na mahigpit nilang ipatutupad ang 4-companion rule at ayaw nang maulit pa ang pagpasaok ng bulto ng supporters sa filing area gaya ng nangyari ng magsumite ng COC si Special Assistant to the President Secretary Bong Go.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,