Mga hindi pa fully vaccinated sa NCR, bawal munang lumabas ; Alert Level 3 guidelines, pag-aaralan ng IATF

by Radyo La Verdad | January 4, 2022 (Tuesday) | 806

METRO MANILA – Pansamantalang lilimitahan muli ang paggalaw ng mga hindi pa nakakumpleto ng bakuna kontra COVID-19 sa Metro Manila.

Bukod dito, hindi rin muna papayagang lumabas ay ang mga menor de edad at mga kabilang sa vulnerable sectors gaya ng mga senior citizens at mga person with commorbidity liban na lang kung bibili ng pagkain, essential goods and services at yun mga nagta-trabaho.

“Kung ikaw ay hindi pa bakunado, yung mobility mo ay maraming restriction para na rin maproteksyunan ka. Ito’y habang mayroon tayong Alert Level 3.” ani MMDA Chairman, Atty Chairman Benjamin “Benhur” Abalos Jr.

Wala namang ipatutupad na curfew sa Metro Manila. Nagbabala naman si Chairman Abalos na sinumang lalabag sa mga nasabing panuntunan ay pagmumultahin.

Samantala, ang mga hindi bakunang manggagawa ay kailangang sumailali, sa RT-PCR test tuwing 2 linggo mula sa sarili nilang gastos.

Suportado ng Dept. of Trade and Industry (DTI) ang naging hakbang na ito ng MMDA.

“We definitely support yang move na yan ilimit na muna yung unvaccinated for their own safety, we’d like to thank sila MMDA Chairman Abalos saka mga mayors at ilimit natin sa essential activities muna ang galaw ng mga unvaccinated at bigyan natin ng privelege nalang yung vaccinated again maiwasan yung unvaccinated sila po ang tatamaan nitong Omicron” ani DTI Sec. Ramon Lopez.

Pag-aaralan naman ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases kung may dapat bang baguhin sa mga panuntunang pinaiiral kaugnay ng COVID-19 Alert Level 3 sa Metro Manila.

Ayon kay acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles, ang kasalukuyang guidelines ay ginawa noong hindi pa mataas ang vaccination rate sa NCR. Nakatakdang magpulong ngayong araw ang IATF kaugnay nito.

(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)