Mga hindi bakunado, pwede pa ring makaboto sa eleksyon – COMELEC

by Radyo La Verdad | May 3, 2022 (Tuesday) | 5500

METRO MANILA – Tinawag na fake news ng Comelec ang mga kumakalat na impormasyon na dapat umanong bakunado at magpapakita ng vaccination card upang makaboto sa darating na halalan.

Paliwanag ng komisyon, kahit ang mga hindi pa nabakunahan kontra COVID-19 ay papayagan parin na bumoto basta rehistrado at aktibong botante.

Hindi na rin kailangan mag presenta ng negative antigen o RT-PCR test at magsuot ng face shield.

Ang dapat lang ay magsuot pa rin ng face mask at sumunod sa ipinatutupad health protocols.

Nagpaalala din ang Comelec na hindi maaaring kunan ng litrato ang balota o magselfie hawak ito.

Babala ng Comelec, mabigat ang parusa rito.

Samantala, posible naman na magsagawa ng special elections ang Comelec sa Shanghai, China.

Sa ngayon hindi pa naumpisahan ang overseas voting ng mahigit 1,900 Pilipino doon dahil sa nagpapatuloy lockdown.

Paliwanag ni Overseas Voting Commissioner-in-charge Marlon Casquejo, hindi maaaring i-extend ang halalan lagpas ng May 9.

Kaya ang solusyon ay maaaring magtakda ng special elections.

Dagdag pa ng Comelec, wala namang malaking epekto sa resulta partikular sa boto ng presidential at vice presidential candidates ang resulta ng eleksyon sa Shanghai, China dahil maliit lang ang bilang ng mga botante.

Maaari lang itong makaapekto sa mga party-list groups.

(Dante Amento | UNTV News)

Tags: ,