Mga hakbang upang tuluyan nang wakasan ang “endo” scheme, minamadali na -DOLE

by Radyo La Verdad | September 8, 2016 (Thursday) | 1602

WORKES
Dadaan na sa masusing konsultasyon ang panukalang 125 pesos across the board wage hike para sa mga manggagawa.

Ito ang sinabi ni Department of Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III sa deliberasyon ng lower house sa kanilang panukalang budget sa 2017 na nagkakahalaga ng 13.2 billion pesos.

Ayon sa labor secretary, tututukan ng administrasyon ang pagbibigay ng patas na pasahod sa mga obrero maging sa mga probinsya.

Sa ngayon, umaabot sa 454 hanggang 491 pesos ang natatanggap na minimum wage sa National Capital Region samantalang aabot lamang ng halos tatlong daang piso ang karamihan sa mga probinsya.

Kaugnay pa rin sa sektor ng paggawa, minamadali na rin ng DOLE ang pag-aaral upang tuluyang tanggalin ang ‘endo’ scheme sa bansa.

Partikular na pinag-aaralan ng ahensya kung papaano aamiyendahan ang department order number 18-A na inilabas noong 2011.

Ito ang ginagawang batayan ng ilang kumpanya sa pagpapatupad ng kontraktuwalisasyon o endo system.

Sa darating na Oktubre, inaasahang sisimulan ng DOLE ang konsultasyon sa mga stakeholder kaugnay ng usapin ng contractualization at pagtataas ng sahod ng mga manggagawa.

(Nel Maribojoc/UNTV Radio)

Tags: