Mga hakbang upang solusyunan ang problema ng illegal na droga sa bansa, inilabas ng PNP

by Radyo La Verdad | July 7, 2016 (Thursday) | 3018

LEA_FERRO
Inihayag na ng Philippine National Police Anti-Illegal Drugs Group ang kanilang mga gagawing hakbang upang solusyunan ang problema sa ilegal na droga sa loob ng tatlo hanggang anim na buwan.

Ayon kay AIDG Director PSSupt. Albert Ferro, uunahin nilang ayusin ang kanilang data base ng mga drug user, pusher at runner para sa kanilang profiling.

Ika-clasify din nila ang mga high value at low value targets upang makapagfocus ang bawat grupo sa kung sino ang target nila.

Maituturing na nasa level 5 ang mga mahuhuling may hawak ng 100 kilograms pataas.

Level 4 naman ang may hawak ng 10 kilograms hanggang 50 kilograms pataas.

Level 3 ang may 100 grams hanggang 1 kilo pataas.

Level 2 naman ang 25grams hanggang 100 grams pataas at level 1 ang 1 grams to 5 grams pataas.

Aalamin din nila ang status ng mga kasong isinampa nila sa korte.

Magsasagawa rin sila ng massive information campaign sa pamamagitan ng paglalagay sa mga poster ng masamang epekto ng ipinagbabawal na gamot.

Dagdag pa ni SSupt. Albert Ferro, importante din sa pagsugpo ng ilegal na droga sa bansa ay ang supply reduction at demand reduction na susuporta sa double barrel strategy ni Chief PNP.

(Lea Ylagan / UNTV Correspondent)

Tags: , ,