Mga hakbang upang mapigilan ang Covid-19 projections, ginagawa ng gobyerno

by Erika Endraca | March 19, 2021 (Friday) | 1446

METRO MANILA – Dahil sa pagtaas ng positibong kaso ng Covid-19, tumataas din ang utilization rate ng Covid isolation beds, wards at Intensive Care Units (ICU).

Ayon kay Treatment Czar at Health Undersecretary Leopoldo Vega, nakababahala na malapit na sa 64% ang utilization rate ng ICU. 47% rin ng mga bagong kaso sa bansa ay makikita sa Metro Manila.

Sa kabila nito, kumpiyansa ang Malacañang na hindi maaabot ng Pilipinas ang projections ng Octa Research Group na 10,000 – 11,000 kaso ng Covid-19 sa katapusan ng marso dahil sa mga hakbang na ginagawa ng mga LGU at national government.

“Gumagawa nga po tayo ng hakbang para huwag magkatotoo iyong mga projections ‘no. And I think the Local Government Units already know what to do, so I’m confident na mapapabagal po natin. In fact, nakikita na natin na bumagal na ‘no; hindi na po siya 5,000 plus, nasa 4,000 na. And I think we can further slow it down ‘no, gradually, to 3,000 and then, 2000 up to the 1,000 level.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Gayunman, kung aabot man sa puntong hindi na mapigilan ang pagtaas ng Covid-19 cases at malulugmok ang health care capacity ng bansa, mapipilitan ang pamahalaang magpatupad ng mas mahigipit na community quarantine sa susunod na buwan.

“If that doesn’t happen within April, fix po ang ating formulas on quarantine. So kung talagang maging kritikal ang ating health care utilization rate, then that may justify changing our quarantine status but hopefully not po because I think the people and the local government units, everyone now is contributing para mapabagal ang pagkalat ng sakit.” ani Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque.

Hinikayat naman ni Health Undersecretary Vega ang bawat Pilipino na i-enhance ang pagsunod sa minimum health standards.

Iwasang magtungo sa matataaong lugar, magsanay ng social hygiene, magsuot ng double mask kung kakayanin at iba pa.

“If the alarm bells of Octa is there, it’s already a measure that we have to do something now, because the future really depends on what we will be doing individually and as a community” ani
Treatment Czar Usec. Leopoldo Vega.

Samantala, nagpulong na ang Inter-Agency Task Force Against Covid-19 kahapon (March 18) upang paigtingin pa ang mga hakbang ng pamahalaan kontra Covid-19.

Kabilang na dito ang priority group sa national Covid-19 vaccination plan, paglalagay ng temporary travel ban sa lahat ng foreign nationals, isyu sa paggamit ng staysafe app, obserbasyon ng Metro Manila council sa Covid-19 ward allocations sa mga pampublikong ospital at pagbibigay din ng prayoridad sa mga overseas Filipino workers na mabakunahan bago ang kanilang deployment sa high-risk countries.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: