Mga hakbang laban sa North Korea, iaapela sa Asean Regional Forum ngayong linggo

by Radyo La Verdad | July 31, 2017 (Monday) | 2587


Nitong Sabado inanunsyo ng North Korea na matagumpay ang ikalawang test launch nito ng Intercontinental Ballistic Missile nitong Biernes ng gabi. Lumipad hanggang sa taas na mahigit sa 3,700 kilometro ang missile na tumama sa karagatang sakop ng exclusive economic zone ng Japan.

Ayon sa state run television na KRT sinabi ni North Korean leader Kim Jong Un na ang missile test launch ay isang babala sa Amerika at patunay na pasok sa kanilang firing range ang naturang bansa. Agad namang nagpatawag ng pulong si South Korean Foreign Minister Kang Kyung Wha dahil sa nakakabahalang hakbang ng komunistang bansa.

Ayon kay Kang iaapela ng South Korea sa magaganap na Asean Regional Forum ang paglulunsad ng mga hakbang laban sa North Korea. Gaganapin ang Asean Foreign Ministers meeting mula August 2 hanggang 8 dito sa Pilipinas.

Inaasahang magkakaharap din sa Asean meeting ang foreign ministers ng North at South Korea.

(Rajel Adora / UNTV Correspondent)

Tags: , ,