Mga guwardiya hindi dapat pinagsusuot ng “Themed Costume” – PNP- SOSIA

by Erika Endraca | August 30, 2019 (Friday) | 8625

MANILA, Philippines – Nagbabala ang Philippine National Police – Supervisory Office For Security  & Investigation Agency (PNP-SOSIA) sa mga malls na pagsusuotin ng themed uniform ang kanilang mga guwardiya ngayong “Ber months”.

Ipinahayag ni PNP-SOSIA Assistant Chief Police Colonel Sydney Villaflor, hindi magagawa nang maayos ng mga security guard ang kanilang mga trabaho kung sila ay naka-costume. May banta din aniya ito sa seguridad.

“Yung pagsusuot ng iba’t ibang uniform ay posibleng samantalahin ng mga sindikato, ng iba’t ibang grupo na posibleng gumawa ng mga krimen sa loob ng mall at iba pang business establishments.” ani PNP SOSIA Assistant Chief, Police Colonel Sydney Villaflor.

Dagdag pa ni Villaflor, mayroong multang P10,000 kada security guard sa first offense kapag nahuling naka suot ang mga ito ng themed costume. P10,000 din ang multa para sa kaniyang security agency.

Maaari din aniyang makansela ang permit to operate ng mga security agency kung paulit ulit na lumalabag. Kaugnay din ng “ber months” pinaalalahan ng PNP Civil Security Group ang mga security agency na. Ipatupad ang mahigpit na inspection sa mga entrance  ng mga establisyimento upang hindi malusutan ng mga masasamang loob.

(Lea Ylagan | UNTV News)

Tags: , ,