Mga gurong magsisilbing miyembro ng electoral board, sumailalim na sa training ng Comelec

by Radyo La Verdad | May 4, 2018 (Friday) | 3428

Manu-mano ang isasagawang May 14 barangay at SK elections. Ibig sabihin, isusulat ng mga botante sa balota ang pangalan ng kanilang ibobotong kandidato at manu-mano ring bibilangin ang mga boto ng mga gurong board of canvassers.

Layon nito na masiguro na handa ang mga guro sa manu-manong halalan.

Nagsimula na ang Commission on Elections (Comelec) kahapon ng training sa mga ito na magsisilbing board of election tellers.

Mahigit 600 libong guro ang magsisilbi sa darating na eleksyon sa buong bansa. Tinatayang sampung libong mga guro naman sa Quezon City ang magsisilbing bet sa halalan kaya naman itinuro sa mga ito ang general instructions para sa electoral board.

Itinuro din sa mga guro ang kanilang karapatan at kung ano ang hindi nila dapat gawin.

Samantala, inilunsad na rin kahapon ng Quezon City Alliance of Concerned Teachers ang isang 24/7 election hotline.

Dito maaaring iparating ng mga guro ang kanilang mararansang karahasan, pang-aabuso o maging ang panggugulo ng sinoman habang sila ay nagsisilbi sa araw ng halalan.

Tiniyak naman ng Comelec na may sapat na pulis na itatalaga sa mga polling precincts sa bansa at may karagdagang pwersa rin sa mga lugar na matutukoy na elections hotspots ngayong darating na barangay at SK polls.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,