Mga guro, makakatanggap ng P5,000 chalk allowance sa susunod na taon- DepEd

by Radyo La Verdad | December 11, 2018 (Tuesday) | 18726

Tinatrabaho na ngayon ng Department of Education (DepEd) na maisulong ang karagdagang chalk allowance ng mga guro sa susunod na taon.

Sa kasalukuyan, nakakatanggap ang mga mahigit walong daang libong guro sa bansa ng 3,500 pisong chalk allowance.

Mula 2015, tumaas ang chalk allowance ng mga guro mula sa P1,000 hanggang P1,500, itinaaas naman ito ng P2,500 sa ilalim ng 2017 national budget.

At ngayong taon, nadadagan ito ng P1,000 upang mabuo ang P3,500 chalk allowance. Dito nila kinukuha ang mga panggastos nila para sa kanilang classroom supplies gaya ng chalk, ballpens, eraser, mga papel at iba pang gamit.

Ayon sa DepEd, panukala nilang madagdagan ang chalk allowance ng mga guro at gawin itong P5,000 sa susunod na taon.

Ngayong araw ay sasalang ang DepEd sa Senado upang ilatag ang panukalang dagdag cash allowance at mga benepisyo ng mga guro sa buong bansa.

Bukod dito, ilalapit din nila ang ilang benepisyong pinansiyal ng mga guro at maging ng mga empleyado sa lahat ng paaralaan kung hindi man maitataas pa ang natatanggap nilang sahod.

Ipinaliwanag din ng DepEd na Oktubre pa lang ay may guidelines na kung paano ipo-proseso ng mga DepEd offices sa buong bansa ang anniversary bonus ng mga guro.

Sinisiguro ng DepEd na natanggap na ito ng mga guro bago pa pumasok ang Disyembre.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,