Mga grupo na binibigyan ng “Tara” o payola sa Bureau of Customs, idinetalye ng broker na si Mark Taguba

by Radyo La Verdad | August 22, 2017 (Tuesday) | 2282

Kabuuang 27,000 pesos kada container ang ipinampapadulas o isinusuhol ng customs broker na si Mark Taguba para sa ilang empleyado at opisyal ng Bureau of Customs. Mula sa intelligence group, district collector, xray at pier inspectors hanggang sa assessment group ay nagbibigay umano siya ng tara o payola.

Ayon kay Taguba, tatlong grupo ang kaniyang naka-transaksyon upang mapabilis ang paglalabas ng kargamento na hindi naaalerto ang BOC. Tinukoy niya ang grupo ng isang nagngangalang Jojo Bacud, Davao group at grupo ng isang general Capuyan. Pinabulaanan naman ng BOC officials na empleyado silang nagngangalang Jojo Bacud.

Nakausap din umano ni Taguba ang Davao group at  itinuro si Davao City Councilor Nilo Abellara bilang isa sa mga miyembro nito. Nagbibigay umano siya dito ng tara na 10,000 pesos kada container.

Ayon kay Taguba, umaabot ng hanggang isang milyong piso ang naibibigay niya sa grupo kada Linggo. Bukod pa aniya dito ang limang milyong piso cash na hiningi sa kaniya bilang enrollment fee.

Nang magkaproblema siya sa dalawang nauna, napunta naman siya sa General Capuyan’s Group. Ito aniya ang nagbibigay naman sa kaniya ng codes upang mapabilis ang paglabas ng mga container sa BOC.

Ayon kay Taguba, isa lamang siya sa maraming mga broker na dumadaan rin sa ganitong kalakaran sa BOC.

 

(Nel Maribojoc / UNTV Correspondent)

 

 

Tags: , ,