Mga gasoline station na maagang nagtaas ng presyo, pinagpapaliwanag ng DOE

by Radyo La Verdad | January 12, 2018 (Friday) | 2884

Nais ni Laban Konsyumer President Vic Dimagiba na mag-isyu ng show cause order ang Department of Energy upang mapwersa ang mga gasoline station na magpaliwanag kung bakit maaga nilang ipinatupad ang excise tax sa produktong petrolyo.

Sa kabila ito ng nauna nang babala at anunsyo ng kagawaran na dapat ay January 15 pa epektibo ang dagdag-presyo dahil dito pa lamang tinatayang mauubos ang kanilang imbentaryo.

Sa ngayon, marami ng nagsulputan na mga karatula sa mga gasoline station na nagsasabing nagpatupad na sila ng dagdag-singil. Sa dalawang libong gasoline station sa Metro Manila, nasa mahigit limapu pa lamang ang nagtataas ng presyo.

Ayon naman sa DOE, hinihintay pa nila ang approval si Sec. Alfonso Cusi upang makapag-isyu sila ng show cause order.

Pero sa ngayon, humihingi muna ng paliwanag ang DOE sa mga gasoline station kung bakit maaga silang nagpatupad ng dagdag-presyo.

Aminado ang DOE na kahit sila ay hirap na matukoy kung nagsasabi ba ng totoo ang mga gasoline station na ubos na ang kanilang stock.

Kakanselahin ng DOE ang certificate of compliance ng mga gasoline station na mapapatunayang nandaya sa imbentaryo.  Irereport naman ng DOE sa BIR ang gasolinahan upang ma-audit at makita kung tapat ang mga ito sa kanilang pagbubuwis. Posible ring ipasara ang gasoline station ng lokal na pamahalaan kung makansela ang certificate of compliance nito.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,