Mga gasolinahan na labis na nagtaas ng presyo, iimbistigahan ng DOE

by Radyo La Verdad | May 24, 2018 (Thursday) | 2163

Nais malaman ng Department of Energy (DOE) kung makatwiran ba ang pagtataas ng presyo ng ilang mga gasolinahan sa bansa. Ito ay upang matiyak na walang umaabuso sa implementasyon ng bigtime oil price hike nitong nakaraang dalawang linggo.

Kasabay nito ay ininspeksyon ng DOE ang ilang mga gasolinahan upang matiyak na calibrated ang mga gas pump at maganda ang kalidad ng ibinibentang langis.

Pero ayon sa DOE, dahil deregulated ang presyo ng langis, wala silang magagawa kundi ang i-monitor lamang ang presyo nito.

Dahil sa walang kontrol sa presyo, pinakiusapan ng DOE ang publiko na umisip ng ibang paraan upang makatipid sa pag konsumo ng gasoline. Kinontra naman ng isang consumer group ang paliwanag ng DOE.

Ayon kay Laban Konsyumer President Vic Dimagiba, dapat ay isinama sila sa inspeksyon upang mapatunayan na may pangil ang DOE upang maproteksyunan ang mga consumer.

Pinangangambahan na sa susunod na linggo ay magkakaroon muli ng pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.

Isinusulong naman ngayon ng ilang mambabatas na makansela ang TRAIN law upang mapababa ang presyo ng produktong petrolyo.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,