Mga firecracker-related incidents, sisimulang imonitor ng DOH sa Huwebes

by Radyo La Verdad | December 19, 2017 (Tuesday) | 3774

Simula sa Huwebes, December 21, ilalagay na sa code white alert ng Department of Health ang mga ospital sa ilalim nito bilang paghahanda para sa pagpapalit ng taon.

Nag-umpisa na rin ito ng monitoring ng mga sentinel sites sa mga posibleng maging biktima ng paputok. Umaasa ang kagawaran na mababawasan ng hanggang limampung porsyento ang mga biktima ng paputok sa pagpasok ng 2018 lalo na at mayroon nang executive order na nagreregulate sa paggamit nito.

Kahapon ay nag-ikot si Health Undersecretary Gerardo Bayugo sa Rizal Medical Center sa Pasig, Quirino Memorial Medical Center sa Quezon City at sa UST Hospital sa Maynila.

Layun nito na matiyak na handa na ang mga hospital staff at personnel at kompleto ang kanilang mga gamit para sa iba’t-ibang fire cracker-related injuries.

Ipinakita ng UST Hospital kung gaano kalaki ang mga gamit ng mga doktor kapag ang isang biktima ay kailangang maputulan ng bahagi ng katawan sa pinsalang dulot ng paputok.

Muling paalala ng DOH na mag-ingat ang publiko lalo na ang mga kabataan na madalas biktima ng mga paputok.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,