Nag-ikot kahapon sa Bicol Central Academy si Department of Education (DepEd) 5 Regional Director Dr. Gilbert Sadsad.
Ito ay bahagi ng ginagawang imbestigasyon ng kagawaran hinggil sa nangyaring panununog ng bag ng labing apat na senior high school students ng BCA noong Biyernes kung saan mismong ang school administrator at may-ari ng eskwelahan na si Board Member James Jaucian ang itinuturong gumawa nito.
Kasabay nito, nagsasagawa na rin ng psychological first aid ang DepEd sa mga estudyante na nasangkot sa insidente. Subalit tumanggi pa ang mga ito na magbigay ng iba pang detalye habang isinasagawa pa ang imbestigasyon.
Bukas ay nakatakdang magharap sa isang dialogo ang mga opisyal ng DepEd at ng paaralan.
Ayon kay Dr. Sadsad, maliban sa mga magulang ng mga bata, maging ang mga mismong apektadong mga estudyante ay kasama rin sa pag-uusap.
Iimbitahan din umano nila ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection (BFP).
Sa dialogo ay irerekomenda ng DepEd sa pamunuan ng paaralan na mabayaran ang naging pinsala sa mga gamit ng mga estudyante.
Nangako rin si Sadsad na gagawin ng DepEd ang lahat ng magagawa para maungkat ang ugat ng pangyayari.
( Allan Manansala / UNTV Correspondent )
Tags: DepEd, estudyante, psychological first aid