Mga estudyante mula sa iba’t-ibang pamantasan, nagprotesta sa harap ng CHED laban sa nakaambang pagtataas ng matrikula

by Radyo La Verdad | February 11, 2018 (Sunday) | 3944

Hindi pa man tapos ang School Year 2017-2018, ikinababahala na ng mga estudyante ang nakaambang pagtaas ng matrikula sa susunod na pasukan.

Kasunod na rin ito ng balitang nagsumite na ng aplikasyon ang nasa 400 na kolehiyo at unibersidad sa Commission on Higher Education para sa tuition increase.

Pumuwesto sa harap ng gate ng CHED ang mga kabataan sa pangungunang Union of Students Philippines. Sigaw ng grupo, pagkitil sa kanilang karapatan na magkaroon ng dekalidad na edukasyon ang pagtaas ng matrikula. Hindi rin aniya ito naaayon sa free college education na ipingako ni Pang. Rodrigo Duterte.

Ngayon pa nga lang anila, kung ano-anong bayarin na ang sinisingil gaya ng pagpapa-photocopy ng mga lecture ng kanilang guro, rental fee sa mga pasilidad sa kanilang paaralan at pagbabayad sa mga dokumentong kailangan sa pag-proseso ng kanilang requirements.

Ayon sa isang film student ng University of the Philippines, hindi makatuwiran na pagbayarin pa siya ng P26,000 para sa kaniyang kurso upang maging officially enrolled sa isang semester.

Bagaman wala pang official statement ang CHED sa usaping ito, tiniyak ng Malakanyang na tuloy na sa School Year 2018-2019 ang libreng edukasyon at walang babayaran ang mga kwalipikadong estudyante na pasok sa programang ito.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,