Mga estudyante at guro sa Marawi, hirap makapagdaos ng klase sa mga temporary learning centers

by Radyo La Verdad | June 7, 2018 (Thursday) | 26721

Habang masaya ang karamihan sa mga estudyanteng nagbalik eskwela noong Lunes, tila naninibago naman ang mga mag-aaral na nakatira sa temporary shelter dahil sa halip na sa regular classrooms, sa mga temporary learning spaces sila ngayon nagka-klase.

Ito ay mga makeshift classroom na itinayo ng Department of Education (DepEd) para sa mga evacuees sa Barangay Sagonsongan.

Plywood lang ang nagsisilbing pagitan o hati sa mga silid kaya rinig parin ang ingay sa magkakatabing klase.

Hirap din ang mga estudyante kapag umuulan dahil hindi rin sementado ang sahig ng mga temporary classrooms.

Kulang-kulang din ang mga upuan dito dahil hindi pa nahahakot ang mga mapapakinabangang upuan mula sa most affected area ng Marawi.

Hirap din ang mga guro na pumupunta sa mga temporary learning centers upang maturuan ang mga displaced student.

Sa tala ng (DepEd)  mahigit tatlumpung libong estudyante ang apektado ng limang buwang bakbakan sa lungsod.

Mahigit isang libo sa kanila ang nag-aaral sa mga temporary classrooms habang ang iba ay lumipat na sa ibang paaralan labas ng Marawi City.

 

( Raymond Octobre / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,