Mga establisyemento sa Manila Bay na hindi makikiisa sa rehabilitasyon, ipasasara – Pangulo

by Jeck Deocampo | January 9, 2019 (Wednesday) | 16422

METRO MANILA, Philippines – Nagbanta na si Pangulong Rodrigo Duterte na ipasasara ang mga establisyemento na patuloy sa pagtatapon ng dumi sa Manila Bay at hindi makikiisa sa rehabilitasyon nito. Kaugnay ito ng pag-atas ng Punong Ehekutibo kanila Environment Secretary Roy Cimatu at Interior Secretary Eduardo Año na simulan na ang paglilinis sa manila bay.

Ginawa ng Pangulo ang pahayag ng dumalo siya kahapon sa Barangay Summit on Peace and Order na dinaluhan ng mga kapitan at kagawad sa mga barangay ng Metro Manila.

“Lagyan ninyo ng water treatment ‘yang mga hotel ninyo kundi sarahan ko ‘yan,” banta ng Pangulo sa mga establisyamento sa paligid ng Manila Bay. “Wag niyo akong hamunin. Kung wala tayong turista eh ‘di wala. You do something about your waste there or else I will close you.” 

Una nang ipinahayag ng Malacañang na nais gamitin ni Pangulong Duterte ang bahagi ng pondo ng bubuwaging Road Board para maisaayos ang Manila Bay. Nais maging malinis ng Presidente ang naturang look sa ilalim ng kaniyang termino subalit maraming prosesong kinakailangang pagdaanan.

Hindi rin tiyak kung kailan ito masisimulan dahil kailangan munang buwagin ang Road Board at aprubahan ang batas upang magamit ang pondo nito sa rehabilitasyon Manila Bay.

Posible namang maglabas ng executive order si Pangulong Duterte hinggil sa naturang proyekto.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , , , ,