Aabot lamang umano sa 30 porsyento ng mga establishments sa Boracay Island ang posibleng makapagbukas sa ika-26 ng Oktubre.
Sa datos ng Boracay inter-agency task force, sa 440 na mga resorts at hotel na kanilang nainspeksyon, 71 pa lamang dito ang may hawak ng kinakailangang permit at lisensya para makapag-operate. 280 ang may problema pa sa kanilang mga papeles.
Reklamo ng mga negosyante, pahirapan ang pagkuha ng requirements. Maging ang pagkakabit ng sariling sewage treatment plant (STP) ay masyado umanong magastos.
Dismayado naman si Senate Committee on Environment and Natural Resources Cynthia Villar sa trabaho na ito ng ahensya; bagay na idinepensa naman ng Boracay task force.
Batay sa kautusan ng Department of Environment and Natural Resources, ang mga hotel o resorts na mayroong 50 kwarto pataas ay dapat maglagay ng sariling sewage treatment plant. Ang mga maliliit na estabilsyemento, dapat makakonekta rin sa sewerage system sa Boracay.
Ayon kay Senator Villar, dapat matulungan rin dito ang mga negosyante.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government USEC Epimaco Densing, kung hindi ito masusunod, wala silang magagawa kundi mag-reopening ang Boracay Island na may kakaunting bilang lamang ng negosyo ang magbubukas.
Sa kabila nito, hihilingin ng Boracay task force na palawigin pa ang ika-25 ng Agosto na deadline ng One Stop Shop.
Ito ay upang mabigyan pa ng pagkakataon ang iba pang mga establisyemento na makakumpleto ng mga kinakailangang requirements para sa kanilang muling pagbubukas sa ika-26 ng Oktubre.
( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )