METRO MANILA – Hindi dapat pigilan ang mga manggagawa na makalabas ng bahay at makasakay sa mga pampublikong sasakyan habang ipinatutupad ang no vaccination, no ride policy sa Metro Manila.
Inihayag ito ng Department of Labor and Employment matapos mapaulat na ilang empleyado ang hindi pinasakay ng pampasaherong bus dahil hindi pa nakukumpleto ang bakuna kontra COVID-19.
Paliwanag ni DOLE Secretary Silvestre Bello III, itinuturing na essential o kinakailangan ang aktibidad ng mga manggagawa na malaki ang kontribyusyon sa ekonomiya ng bansa.
Ayon kay Sec. Bello, dapat ay magpakita lang ng company ID Ang mga empleyado upang sila ay payagang makabyahe kahit hindi pa fully vaccinated.
Bunsod nito, nais paigtingin ng DOLE ang information drive sa naturang exemption at alituntunin sa mga manggagawa.
“Kailangan lang siguro more massive information drive to inform especially not only the public but especially the enforcing enforcement agencies—mga pulis, mga taga-DOTr, alam nila dapat ang mga workers are exempted from this no vax no ride policy.” ani DOLE Secretary Silvestre Bello III.
Paliwanag naman ng Department of Transportation (DOTr), hindi naman absolute ang no vaccination, no ride policy at may exemption o hindi saklaw ng patakaran na ito.
Kabilang dito ang mga indibidwal na hindi nababakunahan dahil sa medikal na kalagayan at ang mga lumalabas ng bahay para sa essential goods and services.
Ngunit nilinaw ng DOTr na dapat ay maipakitang kaukulang dokumento ang mga ito na nagpapatunay na sila ay exempted sa naturang polisiya.
Sa isang pahayag, sinabi ni DOTr Spokesperson Assistant Secretary Goddes Hope Libiran na maaaring magprisinta ng medical certificate na nagsasaad ng kondisyong medikal ng isang indibidwal dahilan ng kawalan o di kumpletong bakuna.
Kung may medical check-up o examination, magtatrabaho, bibili ng essential goods, mag-a-apply ng lisensya, passport at iba pa, kailangan lang din aniya na magpakita ng mga pruweba ng pagpunta sa mga kaukulang lugar gaya ng id sa mga empleyado, medical o exam appointment, barangay health pass at iba pa. Kung fully vaccinated na, dapat dala ang bakuna card.
Ikinokonsiderang fully vaccinated ang isang indibidwal 2 linggo matapos matanggap ang second dose ng bakuna.
Ayon sa Department of Heath (DOH), sa loob ng panahong ito nagkakaroon ng kumpletong bisa at nagbibigay ng pinakamataas na proteksyon ang bakuna.
Nanindigan rin ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na tanging fully vaccinated passengers lamang ang papayagan nilang makasakay ng eroplano.
Gayunman, bukod sa exemptions, pinapayagan na rin ang partially vaccinated air passengers na babyahe mula sa ibang lugar para umuwi sa kanilang bahay.
Humihingi ang DOTr ng pang-unawa mula sa publiko sa ano mang abala na maaring idulot ng No Vaccination, No Ride Policy. Ngunit giit ng kagawaran, isang hakbang ito upang maproteksyunan ang mga hindi pa bakunado kontra COVID-19 kasabay ng muling pagtaas ng banta ng nakamamatay na sakit.
(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)