Mga employer, nahihirapang punuan ang mga bakanteng trabaho sa bansa – ECOP

by Radyo La Verdad | May 24, 2018 (Thursday) | 3874

Malaki ang pangangailangan ng mga employer ngayon sa mga trabahador lalo na sa contruction; gaya ng mga sanitation at aviation engineers, welders at electricians lalo na’t may Build, Build, Build project ang gobyerno.

Ayon kay Arturo Guerrero III ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP), may kumpanya na nangangailangan ng 20-30 libong constructions workers subalit hindi nila alam kung saan kukunin.

Nangangailangan din aniya ng mga aplikante para medical services at sa mga hotel dahil sa paglago ng turismo sa bansa. Maging ang mga bagong graduates ay hindi rin mahagilap ng mga employer.

Ayon sa ECOP, maaaring bisitahin ng mga naghahanap ng trabaho ang mga website gaya ng jobstreet.com, dahil dito rin sila naghahanap ng kanilang kailangan.

Pero isa rin sa problema ng mga employer ngayon ay ang pagbagsak umano ng mga aplikante sa international standards sa english proficiency lalo na sa mga aplikante sa call centers.

Ayon naman sa Commission on Higher Education (CHED), binigyan na nila ngayon ng poder ang industriya o gaya ng mga employer para sa pagbalangkas ng tamang curriculum sa mga kursong iaalok sa mga estudyante.

Palalakasin din ng CHED ang guidance counselling para mabigyan ng giya ang mga mag-aaral sa mga kursong akma sa kanila.

Ang TESDA naman ay nakatutok sa pagtuturo sa mga scholars sa agri-business, health and welness, constrution, hotel and restaurant at tourism. Pero mas pinagtutuunan nila ng pansin ang agriculture at construction.

 

( Rey Pelayo / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,