Mga empleyado ng mga negosyante sa Boracay, hindi maaaring basta na lang tanggalin

by Radyo La Verdad | April 10, 2018 (Tuesday) | 2985

Babala ng Department of Labor and Employment maaring maharap sa reklamong illegal dismissal ang mga may ari ng establisyemento sa Boracay Island na basta na lamang magtatanggal ng mga empleyado.

Ito ay kapag walang nabalikang trabaho ang mga manggagawa kapag natapos na ang anim na buwang pagpapasara sa isla.

Ayon sa DOLE, nakasaad sa batas na hindi maaring magpatupad ng termination ng mga empleyado kung hindi hihigit sa anim na buwan ang suspension of operations ng negosyo.

Anim na buwan tatagal ang pagpapasara sa isla ng Boracay upang isailalim sa rehabilitasyon.

Pinamomonitor ni labor Secretary Silvestre Bello ang kalagayan ng mga manggagawa sa Boracay hanggang matapos ang Boracay closure.

Binubuo na rin sa ngayon ng DOLE ang listahan ng mga manggagawang mawawalan ng trabaho dahil pinasara ang kanilang mga establisyemento bunsod ng paglabag sa 30 meter easement rule.

Makatatanggap ang mga ito ng ayuda mula sa pamahalaan.

Nakatakda nang tumulak sa Boracay ang team ng DOLE na tutulong sa mga manggagawa sa Boracay.

Katuwang ang lokal na pamahalaan, aalamin ng grupo kung ano anong livelihood assistance ang maaring ibigay sa mga displaced workers.

Animnapung milyong piso ang inisyal na inilaan ng DOLE para sa emergency employment assistance ng mga manggagawa sa Boracy Island.

 

(Aiko Miguel / UNTV News Correspondent)

 

Tags: , ,