Hinikayat ng Malacañang ang lahat ng kawani ng mga departamento, bureau, opisina, kabilang ang government owned or controlled corporations o GOCC at mga lokal na pamahalaan na lumahok sa synchronized Metro Manila-wide Earthquake drill bukas, araw ng Huwebes.
Ito ay batay sa ipinalabas na Memorandum Circular 79 ng Malacañang.
Sa nasabing circular, pangungunahan ng Metro Manila Disaster Risk Reduction and Management Council ang metrowide quake drill sa pakikipagtulungan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at National Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Hihingan naman ng Malacañang ng ulat ang mga naturang disaster management agency kaugnay sa evaluation at implementasyon ng naturang earthquake drill.
Bukod dito, hinikayat din ng pamahalaan ang pribadong sektor at mga volunteer na makiisa at makilahok sa pagsasagawa ng naturang drill.(Jerico Albano/UNTV Radio)