Mga empleyado ng Comelec, umapela sa Kongreso na aprubahan na ang appointment nina Chairman Andres Bautista at Commissioner Sheriff Abas

by Radyo La Verdad | September 15, 2015 (Tuesday) | 4898

COMELEC-2
Sabay-sabay lumabas sa tanggapan ng Comelec main office sa Intramuros, Maynila ang mga empleyado ng komisyon kaninang tanghali at nagtipon.

Dumating din ang mga kinatawan ng ilang Regional Offices ng Poll body.

Panawagan ng grupo sa kongreso, aprubahan na ang pagkakatalaga kina Andres Bautista bilang Chairman ng Comelec at Sheriff Abas bilang Commissioner.

Hindi pa aprubado ng Commission on Appointments ang Ad Interim Appointment nina Abas at Bautista.

Ayon kay Attorney Romeo Fortes, ang Presidente ng Comelec Regional Election Directors Organization o CREDO, ngayong 8 buwan na lang bago ang May 2016 elections kailangang makumpirma na ang dalawa upang maging malaya sa sila sa pagdedesiyon.

Nangangamba rin si Atty Fortes na samantalahin ng ilang pulitiko ang pagkakataon kung patuloy na mabibinbin ang confirmation nina Baustista at Abbas.

Naudlot ang pagkumpirma ng C-A kay Bautista at Abas matapos hingan ng written report ni Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile ang Comelec kaugnay sa hindi pagtransmit ng voting results ng mahigit 18,000 noong 2013 elections.

Nakatakdang magsumite ng report ang Comelec sa nasabing issue bagama’t una nang sinagot ng poll body ang usapin sa Joint Congressional Oversight Committee on the Automated Election System.

Sinulatan na rin ng Credo, Provincial Election Supervisors Association of the Philippines o PESAP, League of Election Officers of the Nation o LEON at Comelec Employees Union ang C-A na iniendorso ang confirmation ng appointment ni Bautista.

Nagpasalamat naman si Bautista sa suporta ng mga empleyado ng Comelec.

Bukas nakatakdang muling sumalang sa Committee on Constitutional Commission and Offices ng Commission on Appointments si Bautista at Abas upang talakayin ang kanilang appointment.

Kapag nakumpirma, tatagal ang termino ng dalawa hanggang February 2022. (Victor Cosare / UNTV News )

Tags: , , , , ,