Mga empleyado na magtatrabaho ng December holidays mas mataas na sahod ang matatanggap – DOLE

by Erika Endraca | December 11, 2020 (Friday) | 6418

METRO MANILA – Makakatanggap ng mas mataas na sahod ang mga empleyadong papasok ngayong darating na holiday ayon sa huling pahayag ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Sa Labor Advisory No. 32, serye ng 2020 na nilagdaan ni DOLE Secretary Silvestre Bello III, mayroong tatlong mga espesyal na holiday at 2 regular na piyesta opisyal sa Disyembre. Ang mga espesyal na piyesta opisyal ay ika-8, -24, at -31 ng Disyembre samantalang regular na piyesta opisyal ang ika-25 ng Disyembre at ika-30.

Ipinaalala ni Bello sa mga employer mula sa mga pribadong sektor na obserbahan ang tamang pagbabayad ng sahod sa nasabing mga araw.

Babayaran ng karagdagang 30% ng kanilang pangunahing sahod sa unang 8 oras ng kanilang trabaho samantalang ang mga empleyado na mag oobertaym ay may karagdagang 30% ng kanilang oras-oras na rate sa nasabing araw. 50% naman ng kanilang pangunahing sahod sa unang walong oras ng trabaho ang makukuha ng empleyado kung tatama ng kanilang rest day ang espesyal na mga araw at pipiliin nilang pumasok.

(Beth Pilares | La Verdad Correspondent)

Tags: ,