Mga ebidensya laban sa PNP Generals na sinasabing sangkot sa illegal drugs operation, ilalabas sa tamang panahon – Malacañang

by Radyo La Verdad | July 6, 2016 (Wednesday) | 3822

NEL_TAMANG-PANAHON
Ipapaubaya na lamang ng Malakanyang sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan ang imbestigasyon sa limang heneral na pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte na umano’y sangkot sa illegal drugs operation.

Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, bahala na ang National Police Commission o NAPOLCOM sa imbestigasyon sa mga pulis o mga opisyal ng Philippine National Police na nasasangkot sa ilegal na droga.

Sinabi ni Secretary Andanar ang mga ebidensya laban sa mga general ay hindi naman ilalabas agad upang mabigyang daan ang mga isasagawang imbestigasyon.

Samantala, bumuo na ang National Police Commission o NAPOLCOM ng grupong mag-iimbestiga sa mga umanoy sangkot na mga heneral sa illegal drugs.

Ayon kay NAPOLCOM Vice Chairman Rogelio Casurao, tututukan ng imbestigasyon ang tatlong police generals na kasalukuyan pang nasa serbisyo na sina Director Joel Pagdilao, Chief Superintendents Bernardo Diaz at Edgardo Tinio.

Ang kaso naman ng retiradong heneral na si Marcelo Garbo Junior, na napabalitang nasa labas ng bansa, ay hahawakan ng Department of Justice at National Bureau of Investigation.

Ang Department of the Interior and Local Government ang hahawak sa kaso sa dating heneral at ngayo’y Daanbantayan, Cebu Mayor Vicente Loot.

Ayon kay Casurao tatapusin nila ang imbestigasyon sa loob ng pitong araw at ang actual summary dismissal proceedings ay maaring tumagal ng isang buwan.

(Nel Maribojoc / UNTV Correspondent)

Tags: , , , ,