Hindi na nakapalag sa otoridad ang mag-asawang hinihinalang tulak ng droga matapos itong mahuli sa isinagawang drug buy-bust operation sa Brgy. North Bayboulevard South, Navotas City pasado ala una kaninang madaling araw.
Bukod sa kanila ay naaktuhan din ng operatiba ang dalawang lalaki sa lugar habang nagpopot session.
Narecover sa mga suspek ang mga drug paraphernalia, mga gamit sa pagrepack ng shabu gaya ng maliit na timbangan, mga supot na plastic at apat na pakete ng shabu na may halagang aabot sa P20, 000.
Ayon kay Navotas Chief of Police P/SSupt.Dante Pesa Novicio, matagal na isinailalim sa surveillance ang naturang mag-asawa at dito nakumpirma nilang tulak nga ang mga ito ng ipinagbabawal na gamot sa lugar at sa mga kalapit na barangay.
Subalit ayon sa mga suspek, plano niyang sumuko bukas para makapagbagong buhay kaya nga lang nataon na nahuli pa sila ng mga pulis.
Ang nanay naman ng isa sa mga suspek todo pasasalamat kay President Rodrigo Duterte dahil matagal na aniyang gustong magbago ang anak.
Ilang beses na anya itong ipinasok sa rehabilitation center subalit bumabalik pa rin ito sa paggamit ng droga.
Kaya naman panawagan ng punong hepe ng Navotas sa mga tulak at drug addict, sumuko na habang maaga pa kaysa naman mahuli pa sila at makulong.
Ayon rin kay P/SSupt.Novicio, walumpung porsiyento ng pinag-uugatan ng krimen sa Navotas ay may kaugnayan sa droga kaya naman suportado talaga nila ang kampanya ng bagong administrasyon laban sa illegal drugs.
(Macky Libradilla / UNTV Correspondent)
Tags: buy bust operation, Mga drug pushers, nagpopot session, Navotas City