Mga driver ng Uber, pinayagan ng LTFRB na makapagbyahe sa ibang TNC gaya ng Grab at Uhop

by Radyo La Verdad | August 18, 2017 (Friday) | 1763

Sa resolusyong inilabas kahapon ng LTFRB, pinayagan ng ahensya ang mga Uber driver na pansamantalang lumipat ng Grab at Uhop habang epektibo pa ang isang buwang suspensyon order.

Ayon sa ahensya, ito’y upang bigyang pagkakataon ang mga driver ng Uber na makabiyahe at kumita sa kabila ng suspensyon. Kinakailangan lamang na isumite ng mga driver ang kopya ng kanilang accreditation at insurance sa Transport Network Company na kanilang lilipatan pansamantala.

Samantala, inabisuhan na rin ng Uber ang kanilang mga driver at partner operators hinggil sa 500 hanggang 1,200 pisong arawang kompensasyon na ibibigay sa naapektuhan ng suspensyon.

Subalit para sa ilang Uber drivers hindi sapat ang naturang halaga.

 Samantala naihain na rin kahapon ng Uber sa LTFRB ang panibagong mosyon na humihiling na bawiin na ang suspensyon.

Nakapaloob din dito ang alok na pagbabayad ng sampung milyong pisong multa kaugnay sa mga nagawa nilang paglabag.

 

(Joan Nano / UNTV Correspondent)

 

Tags: ,