Mga driver na magpopositibo sa iligal na droga, dapat tanggalan ng lisensya – Sen. Dela Rosa

by Erika Endraca | March 4, 2020 (Wednesday) | 3976

METRO MANILA – Ayon kay Senator Ronald Dela Rosa na siyang Chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, dapat ay matanggalan na ng lisensya sa mismong unang pagkakahuli ang mga drayber na magpopositibo sa iligal na droga.

Ayon sa Land Transportation Office (LTO), sa ilalim ng Republic Act 10586 o ang Anti-Drunk and Drugged Driving Act, sa pangatlong offense pa maaaring tuluyang tanggalan ng lisensya ang isang drayber na napatunayang gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.

Sa tala ng LTO, sa mahigit 4,000  Public Utility Drivers na sumailalim sa random drug testing, nasa 116 ang nagpositibo sa iligal na droga.

Ayon sa ahensya hindi kasama sa requirements sa pagkuha ng driver’s license ang drug testing.

“Kapag nahuli ka na positive ka sa drug use, nagda-drive ka, dapat once lang ‘yan. Hindi na maulit. To give teeth sa ating batas.”ani Senate Committee On Public Order And Dangerous Drugs Chairman, Sen. Ronald Dela Rosa.

Ayon sa LTO, isa rin aniya sa problema nila, hindi konektado ang datos ng MMDA at iba pang enforcing agencies sa kanilang database kaya hindi agad matukoy ang kabuuang bilang ng paglabag ng isang drayber.

“The mmda, your honor, they have that no-contact apprehension and it takes time for them to transmit their violations to lto kasi of the connectivity issue.” ani LTO Dir. Clarence Guinto.

Nais din ng senador na mailagay na mismo sa driver’s license kung nagpositibo na ito sa iligal na droga at sumasailalim sa rehabilitasyon

“In the future printing of your cards, pwedeng sa card natin mismo ilagay talaga, para markado na siya.” ani Senate Committee On Public Order And Dangerous Drugs Chairman, Sen. Ronald Dela Rosa.

Pero ayon sa Commission On Human Rights, bagaman maganda ang intensyon nito, tila isa umano itong diskriminasyon lalo na sa mga nakarekober na mula sa rehabilitasyon.

Maaari rin umano itong maging balakid sa paghahanap nila ng trabaho at maging dahilan pa ng pagbalik nila sa masamang bisyo.

(Harlene Delgado | UNTV News)

Tags: