METRO MANILA – Epektibo na simula kahapon (November 1) ang full subsidy program para sa pagkuha ng COVID-19 swab test para sa mga domestic tourist sa bansa.
Inilaan ito ng Department of Tourism (DOT) sa pamamagitan ng tourism promotions board para sa mga nais magpunta sa mga tourist destination na nangangailangan pa rin ng negatibong resulta ng COVID-19 swab test
Katuwang ang Philippine Children’s Medical Center, 350 tourists kada araw ang maaaring mabigyan ng libreng RT-PCR swab test.
Paliwanag ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, makatutulong ito na mahimok ang mas marami pang turista na mamasyal para sa pagbangon ng turismo at ekonomiya.
“Napansin ko na nagluluwag na yung ating mga tourist destinations. The LGUs have now decided to accept tourists in their different destinations. In fact, a lot of the lgus are already accepting fully vaccinated in lieu of a negative RT-PCR. We decided na para tuloy-tuloy na, we asked permission also from the board of the tourism promotions board, pumayag na na zero.” ani DOT Sec. Bernadette Romulo-Puyat.
Upang makakuha ng fully subsidized RT-PCR tests, kailangan lang mag-apply ng mga turista online 6 na araw o mas habang araw pa bago ang petsa ng byahe.
Kailangang isumite sa aplikasyon ang 2 kopya ng valid government-issued id, kopya ng kumpirmadong accommodation booking sa alin mang establisyimentong accredited ng Department Of Tourism, at kopya ng roundtrip transportation tickets kung aplikable na nakapangalan sa turista.
Maaring magsumite ng kopya ng 2 valid government-issued IDs gaya ng driver’s license, passport, UMID, voter’s ID at iba pa.
O kaya naman secondary ID tulad ng student ID, NBI clearance o mga gaya nito kumporme sa pagsang-ayon ng Tourism Promotions Board (TPB).
I-eevaluate ng TPB ang aplikasyon at sakaling maaprubahan ay makatatanggap ang aplikante ng email mula sa PCMC.
Nakasaad sa email ang petsa ng swab testing at kopya ng Client Investigation Form (CIF) na dapat dalhin sa araw ng swabbing.
Ipapadala rin sa email ng aplikante ang resulta ng RT-PCR test sa loob ng 24 na oras pagkatapos ng COVID-19 testing.
Para sa iba pang katanungan, maaring tumawag sa pamamagitan ng telephone number ng TBP na 8588-9900 local 426.
Tatagal ang libreng swab test hanggang sa pagtatapos ng kasalukyang taon o hanggang may pondo para dito.
(Asher Cadapan Jr. | UNTV News)