Mga dayuhang vlogger, binalaan ng BI

by Erika Endraca | July 13, 2021 (Tuesday) | 586

METRO MANILA – Nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) sa mga dayuhang vlogger na nasa bansa na huwag silang lalabag sa mga kondisyong ibinigay sa kanila upang makapanatili sila sa Pilipinas.

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, marami umano silang napansin na mga dayuhang vlogger na nagpo-post ng mga video tungkol sa Pilipinas.

Dagdag pa ni Morente, samantalang hindi ipinagbabawal ang mismong pagba-vlog, ang pag-endorso o paggamit ng kanilang plataporma upang magbenta ng mga produkto ay maituturing na isang paglabag sa mga kondisyon ng kanilang pananatili.

“Hindi dapat gamitin ang vlogging para magbenta ng mga produkto. Ang page-endorse, pagbebenta ng mga produkto, at pagsali sa mga activities para kumita habang temporary visa ang hawak mo ay isa nang deportable offense, Kung napanatunayang lumabag ka rito ay maaari kang i-deport at ma-blacklist sa Pilipinas,” ani BI Commissioner Jaime Morente.

Matatandaan na noong nakaraang Pebrero lang ay isang social media influencer ang nahuli ng BI na nasangkot sa ganitong kaso samantalang wala itong sapat na visa matapos sumali sa mga pagbebenta ng mga bagay gaya ng notebooks, bags at iba pa.

(Beth Pilares | La Verdad Correspondent)

Tags: