Abril taong 2015 nang magsama-sama ang PBA Legends sa isang exhibition game na inorganisa ng UNTV para sa isang natatanging layunin. Ito ay upang magbigay ng medical assistance sa former PBA superstar na si Samboy Lim.
Sa pamamagitan ng game, nakapagkaloob ng isang milyong pisong tulong kay Lim.
Mula noon, iminungkahi ni Mr. Public Service Kuya Daniel Razon ang pagkakaroon ng foundation na magbibigay ayuda sa mga PBA player na nangangailangan.
Dito nabuo ang samahan ng mga dating Propesyonal na Basketbolista ng Pilipinas Foundation Inc. kung saan isang milyong pisong seed money ang ibinigay ni Kuya Daniel.
At kahapon, matagumpay na naidaos ang proyekto ng grupo ang 1st PBA Legends Golf Tournament.
Ang proceeds ng event ay ilalaan sa mga former PBA player mula 1975 hanggang 1990 na nangangailangan ng assistance. Nakiisa naman sa charity project maging mga politician at celebrity.
Ilan sa mga nagwagi ay ang singer na si Lito Camo, PBA Legend Jojo Lastimosa at ang basketball player na si Kiefer Ravena para sa media/celebrity division.
Pagkatapos ng matagumpay na event, plano naman ng organisasyon na magsagawa ng isang basketball exhibition game ngayong Oktubre.
( Leslie Longboen / UNTV Correspondent )