Mga dati at incumbent senators, miyembro ng gabinete at ilang kilalang personalidad, naghain ng kandidatura ngayong araw

by Radyo La Verdad | October 17, 2018 (Wednesday) | 5027

Ika-5 araw na at huling araw para sa paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) para sa mga tatakbong senador sa darating na 2019 midterm elections. Unang naghain ng kaniyang kandidatura ang veteran journalist na si Jiggy Manicad.

Kabilang sa mga isusulong ni Manicad ang paglutas at pagkontrol sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin dahil sa epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa world market.

Pagsusulong ng nationalism na hindi lamang dapat aniya tuwing Lunes inaawit ang lupang hinirang kundi dapat araw-araw. Gayundin ang pagkakaroon ng culture hour sa mga TV networks sa halip na mga teleserye at ang pagsusulong ng kapakanan ng mga rescue at media workers.

Dumating rin si Bacoor, Cavite Mayor Lani Mercado sa Comelec upang ihain ang kandidatura ng kaniyang asawa na si dating Senador Bong Revilla Jr. Si Revilla ay mahigit apat na taon nang nakadetine sa custodial center sa Camp Crame dahil sa pagkasangkot sa pork barrel scam.

Ayon kay Mercado, ilalabas na bago mag-ika sampu Disyembre ang hatol ng Sandiganbayan sa kaso ng kaniyang asawa at umaasang papanig sa kanila ang hustisya.

Ang re-electionist na si Senator Sonny Angara ay muli ring sasabak sa eleksyon. Hindi naniniwala si Angara na makakaapekto sa kaniyang kandidatura ang pagpapasa ng TRAIN law.

Ang kaniyang komite ang nangunguna sa pagpapasa ng tax reform package. Umaasa ang senador na agad maipapatupad ang ayuda ng pamahalaan sa mga naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Sumulat na rin aniya sila kay Pangulong Duterte upang ipanawagan ang suspensyon ng pataw na buwis sa produktong petrolyo sa susunod na taon.

Naghain rin ng kandidatura si Rafael Alunan na pinuri ang foreign policy ng Duterte administration. Humabol rin sa filing ang election lawyer na si Attorney Romulo Macalintal at dating Solicitor General Florin Hilbay.

Si Secretary Francis Tolentino ay muli ring susubok na makapasok ngayon sa Senado. Bago siya naghain ng COC ay naghain muna siya ng mosyon sa Senate Electoral Tribunal para sa pansamantalang pagpapatigil sa pagdinig sa protesta niya laban kay Senator Leila De Lima sa nakaraang eleksyon.

Hindi naman inaasahan ang pagdating ni dating Presidential Spokesman Harry Roque. May basbas raw ng Pangulo ang kaniyang pagtakbo. Tatakbo ni Roque sa ilalim ng Peoples Reform Party.

Personal naman na inihain ni 94 year old former senator Juan Ponce Enrile ang kaniyang COC. May mga nais pa aniya siyang magawa at dapat maipaliwanag sa taumbayan ang mga hinaharap na mga isyu ng bansa.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

Tags: , ,