Sa susunod na linggo ay muling magtutungo sa mga polling precinct ang mga botante upang ihalal ang mga napili nilang magiging bagong barangay at Sangguniang Kabataan (SK) officials.
Kaya naman upang makatiyak na mabibilang ang kanilang mga boto ay nagpa-alala ang Commission on Elections (Comelec) sa mga dapat at hindi dapat gawin ng isang botante.
Maaaring ituring na invalid ang isang balota kung may nakitang marka, erasures o anomang bura.
Ito ang isa sa mahigpit na ipinagbabawal ng Comelec na dapat tandaan ng mahigit 78 million na registered barangay at SK voters sa halalan sa Lunes.
Kodigo lamang ang maaaring dalhin ng isang botante dahil bawal sa regulasyon ng komisyon ang sample ballot.
Bawal din ang pagdadala ng alin mang campaign paraphernalia sa loob ng polling precinct gaya ng pamaypay, sumbrero, payong at t-shirt na may picture o pangalan ng kandidato.
Alas siete ng umaga sa Lunes magsisimulang tumanggap ng mga botante ang mga polling precinct sa buong bansa. Pero payo ng Comelec sa mga botante, agahan ang pagpila.
Alamin ng maaga kung saang presinto boboto upang hindi na mahirapan ng paghahanap sa Lunes.
Maagang ipinapaskil sa mga paaralan ang computerized voters list. Magdala ng valid ID sa araw ng botohan sakaling hanapin ito ng board of election teller bago bigyan ng balota.
Nais rin ipaalala ng Comelec na para sa mga botanteng ang edad ay nasa 18 hangggang tatlumpung taong gulang, makakatanggap sila ng dalawang klase ng balota; isa para sa barangay elections at isa para sa SK elections.
Pulang ink ang makikita sa balota para sa SK elections at black ink ang na-imprenta para sa barangay elections.
Lahat naman ng boboto ng nasa edad 15-17 taong gulang, isang official ballot para SK election lamang ang ibibigay; gayundin ang nasa 31 taong gulang pataas, isang official ballot para sa barangay elections lamang ang ibibigay sa botante ng electoral board sa araw ng halalan.
Samanatala, bukas na sa publiko ang hotline numbers ng Comelec para sa mga katanungan, sumbong at reklamo ng mga botante.
May hotline din para sa naghahanap kung saang presinto sila boboto. Nakahanda na rin ang command center ng Comelec para sa 2018 barangay and SK elections.
( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )