Mga customer ng Maynilad, inirereklamo ang malabong tubig na lumalabas sa gripo

by Erika Endraca | July 11, 2019 (Thursday) | 5527

MANILA, Philippines – Nagrereklamo ang ilang customer ng maynilad dahil malabo o marumi ang tubig na lumalabas sa kanilang gripo.

Sa mga larawang ipinost ng ilang netizen sa social media, inirereklamo nila ang madilaw na tubig. Subalit sa iba pang mga post makikita na halos kulay itim na at sinasabing may mabahong amoy ang tubig.

Paliwanag ng maynilad natural lamang ang paglabas ng malabong tubig mula gripo lalo na kapag kakabalik pa lamang ng supply matapos ang ilang oras na water service interruptions.

Kinakailangan lamang na paagusin ito hanggang sa luminaw muli ang tubig. Ngunit ini-imbestigahan umano nila kung saan nanggagaling ang madilaw at maruming tubig na lumalabas sa gripo.

“Tapos kung meron mang kulay like yung naglalabo na ibang kulay icheck din natin yan kasi possibleng isolated case yan na we have to check kung merong mga entry point na possible na contamination we have to check that” ani Maynilad Corporate Communications Jennifer Rufo.

Samantala ipinaliwanag rin ng maynilad ang dahilan kung bakit ilang araw nang walang suplay ng tubig ang kanilang mga customer sa Caloocan at Malabon City. Ayon sa maynilad, kabilang ang mga ito sa mga matataas na lugar kaya’t hirap na makaabot doon ang suplay ng tubig.

“In particular itong passage sa caloocan mountainous area ito so it is very highly-elevated at alam naman natin na kapag mayroong kakulangan sa supply automatically itong mga high areas mas mahaba ang service interruptions na schedule kasi basically kapag nagresume na ang serbisyo after ng interruptions yung mga low-lying areas agad ang nakakakuha ng tubig” ani Maynilad Corporate Communications Jennifer Rufo.

Dahil dito, nagdesisyon ang maynilad na magsagawa ng valve adjustment upang hatakin ang tubig sa ilang mababang lugar kung saan mas maiikli ang oras ng water service interruptions.

Samantala, nangako naman ang Metropolitan Water Works And Sewerage System (MWSS) na iimbestigahan ang mga reklamo ukol sa hindi nasusunod na schedule ng water service interruptions, maging ang mga ulat ukol sa maruming tubig mula sa mga water concessionaire.

“We are actually monitoring the situation right now and we will be investigating that and we want to make sure that i’ve already warned the 2 concessionaires that they should follow the schedule that they have announced” ani MWSS Chief Regulator Attorney Patrick Ty.

(Joan Nano | Untv News)

Tags: ,