Nais matiyak ng mga negosyante sa bansa ang magiging epekto sa kanila kung sakaling matuloy ang paglipat ng Pilipinas sa federal form of government.
Sa isang forum sa Makati kahapon na pinangunahan ni retired chief justice at Consultative Committee head Reynato Puno, inihayag ng Management Association of the Philippines (MAP) ang kanilang mga saloobin tungkol sa isyu. Kabilang na rito ang umano’y magiging tax system sa ilalim ng pederalismo.
Gayundin ang ease of doing business lalo na at posibleng dagdag-pasakit sa pakikipagtransaksyon sa multi-level government.
Ayon naman sa pinuno ng Concom, ngayong araw ay makikipagpulong siya sa mga economic managers ni Pangulong Rodrigo Duterte na sina Finance Secretary Sonny Dominguez III at Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia.
Ayon pa kay Puno, dapat tingnan ng business leader ang magiging epekto ng paglipat ng bansa sa pederalismo sa mga kasalukuyang problema sa bansa tulad ng mga rebolusyon sa mga kanayunan, banta ng terorismo at kahirapan.
Pagtiyak nito, malaki ang maitutulong ng pederalismo upang makatulong sa ating mga kababayan na makaangat sa kahirapan.
Ayon naman kay Yap, muli silang magsasagawa ng panibagong forum tungkol sa pederalismo sa ika-11 ng Setyembre upang malinawan pa ang ibang kakailanganin ng kanilang hanay at paliwanag ng pamahalaan tungkol sa isyu.
( JL Asayo / UNTV Correspondent )