Mga bus terminal, pantalan at paliparan handa na sa inaasahang bulto ng mga bibiyahe sa long holiday – DOTr

by Radyo La Verdad | March 23, 2018 (Friday) | 5347

Tiniyak ng Department of Transportation (DOTr) na handa na ang mga bus terminal, pantalan at paliparan sa iba’t-ibang lugar sa bansa kaugnay sa inaasahang bulto ng mga pasahero at motoristang bibiyahe sa long holiday.

Ayon sa DOTr, inaasahan ang bulto ng mga bibiyahe sa March 28 ng gabi. Pero bago ito, nakahanda na ang plano ng kagawaran upang maalalayan ang mga bibyahe ngayong long holiday.

Sa ilalim ng Oplan Biyaheng Ayos 2018 ng DOTr, magsasagawa ng inspeksyon sa mga bus terminal ang LTO at LTFRB upang matiyak na nasa kondisyon ang mga bibyaheng bus.

Makikipag-ugnayan na rin ang mga ito sa mga bus operator upang ipaalala na dapat ay may kapalitan at may sapat na pahinga ang mga bus driver upang maiwasan ang aksidente.

Kailanan ring maayos, malinis at may sapat na pasilidad ang mga bus terminal.

Inatasan naman ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang mga airline companies na tiyaking may nakaduty at nakabukas ang mga check-in counter upang maiwasan ang abala at mahabang pila ng mga pasahero.

Pinapayuhan rin ang mga pasahero na pumunta ng mas maaga sa NAIA upang hindi maiwanan ng eroplano.

ipinag-utos na rin ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa mga airline company na tiyaking nakakundisyon ang mga eroplano.

Samantala, pinayuhan naman ng Philippine Ports Authority (PPA) ang mga pasahero na sasakay ng barko na siguruhing aregalado na ang kanilang mga ticket at schedule upang maiwasan ang abala.

 

(Joan Nano / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,