Matapos ang nangyaring banggaan ng dalawang bus sa Edsa Magallanes noong Miyekules na ikinasugat ng dalawampung tao, sorpresang nagsagawa ng road worthy and safety inspection ang Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) kanina sa mga bus na nasa terminal sa Alabang South Station sa Muntinlupa City. Isa-isang isinalang ng I-ACT sa smoke emission test ang mga bus.
Bagaman nakapasa ang ilan, may mga bus pa rin ang bumagsak sa pagsusuri dahil sa maruming usok na ibinubuga ng kanilang sasakyan. Natuklasan rin ng I-ACT na kalbo at nawawala ang turnilyo sa gulong ng ilang bus.
Sinita rin ang mga ito dahil sa walang reserbang gulong at fire extinguisher. May ilang driver ang natiketan dahil sira ang kanilang mga signal light.
Paliwanag ng ilang driver, hindi lingid sa kanilang kaalaman na may problema ang kanilang mga sasakyan bago pa nila ibiyahe .
Dahil sa mga nakitang paglabag ay hindi muna pinayagan ng I-ACT na bumiyahe ang ilang bus at pinabalik na lamang sa kanilang garahe upang maayos.
Ang iba naman ay inisyuhan ng tiket at pinagmumulta ng hindi bababa sa dalawang libong piso.
Muling nagpa-alala ang I-ACT sa mga driver at operator, kailangang laging iniinspeksyon ang kanilang mga sasakyan bago bumiyahe para sa kaligtasan ng mga sakay nito.
( Joan Nano / UNTV Correspondent )