Mga bus na bibiyahe pa-lalawigan ngayong bakasyon, sinimulan nang inspeksyunin; aplikasyon sa special permit, sisimulan na rin- LTFRB

by monaliza | March 23, 2015 (Monday) | 1538

IMAGE_MAR192014_UNTV-News_BUS-STATION
Kasabay ng pagsisimula ng bakasyon sa mga paaralan at papalapit na long holiday ngayon Abril ay sinimulan na rin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang pag-iinspeksyon sa provincial buses bilang bahagi ng inilunsad na oplan ligtas biyahe.

Target ng ahensya na matiyak ang seguridad ng mga pasaherong uuwi sa lalawigan para magbakasyon sa unang linggo ng Abril.

Partikular na sinisiyasat ng LTFRB ang road worthiness ng mga bus at kung maayos pa ba ang mga gulong, signal lights, windshield at iba pa.

Sinusuri din ang prangkisa at rehistro ng mga bus, fare matrix at iba pang dokumento.

Inaalam rin kung may seatbelt ang mga bus, reserbang upuan para sa mga may kapansanan at kung malinaw ang pagkakasulat sa plate number, ruta at hotline number ng LTFRB na maaaring tawagan ng mga pasahero.

Sisimulan na rin ng LTFRB sa Marso 29 hanggang Abril 6 ang paglalabas ng special permit para sa mga out-of-line bus na bibiyahe pa-lalawigan upang mag-accommodate sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero.