Mga bumoto sa ikalawang araw ng overseas voting sa Hong Kong, dumami pa

by Radyo La Verdad | April 11, 2016 (Monday) | 4376

OAV-HONGKONG
Pasado alas dies ng umaga nang sunduin ng bus ang mga Pilipinong nasa Sai Kung Town upang ihatid sa voting center na nasa Bayanihan Center sa Kennedy Town.

Isa lamang ang bus na ito sa mga free ride na inilalaan ng ilang pribadong kumpanya tuwing araw nang Linggo upang makabahagi sa overseas voting ang ating mga kababayan na nasa malalayong lugar ng Hong Kong.

Pagdating sa Bayanihan Center, mahaba ang pila ng mga botante na umabot hanggang sa hagdanan.

Inaasahan na ng konsulada na marami ang dadating kapag Linggo dahil walang pasok ang karamihan sa mga Pilipinong nagtatrabaho dito sa Hong Kong. Ang hangad naman ng mga botante magkaroon ng pagbabago sa susunod na administrasyon.

Umabot sa 3,723 ang nakaboto kahapon kumpara sa 1,128 noong Sabado.

93,049 ang registered voter sa Hong Kong at 80% ang target na voter’s turnout.

Samantala ilan sa mga nagtungo sa voting center ang hindi pinayagang makaboto dahil deactivated voters.

May mga wala din sa voter’s list ang kanilang pangalan subalit kung makakapagpakita ng katibayan na sila ay nakapagparehistro ay maaring payagang makaboto.

Ikinatuwa naman ng mga botante ang pag-iimprenta ng voter’s receipt ng mga VCM dahil nagkakaroon sila ng pagkakataon na maberipika kung tama ang pagbasa ng makina sa kanilang boto sa balota.

Subalit nagkaproblema naman ang Vote Counting Machine ng precinct number 6 bago magtapos ang unang araw ng overseas voting noong Sabado.

Kahapon ang mga botanteng nakatalaga sa precinct 6 ay sa precinct number 10 na muna pinaboto.

Ayon naman kay Vice Consul Alex Vallespin, papalitan ang nasabing makina at dadating sa Linggong ito.

Ang mga embahada at konsulado ng Pilipinas sa iba’t-ibang bansa ay bukas Lunes hanggang Linggo mula alas otso ng umaga hanggang alas singko ng hapon hanggang May 9 para sa mga nais bumuto.

(Victor Cosare/UNTV NEWS)

Tags: ,